Ang kwento mula sa aming Mahiwagang Burnay kanina:
“TINAPAY”
Nakagawian na ng isang panadera ang gumawa ng tinapay para sa kanyang pinakamamahal na anak. Ngunit simula ng magtungo ang anak sa kabilang baryo para makipagsapalaran, ay wala na siyang naging balita tungkol dito.
Sa kabila nito ay gumagawa pa rin siya ng tinapay. Araw-araw ay nag-iiwan siya ng tinapay sa pasimano ng kanilang bintana, Umaasa ang panadera na isang araw ay babalik ang kanyang anak at muling matitikman ang paborito nitong tinapay na nakahain na sa may bintana.
Isang araw, isang kubang pulubi ang napapadaan malapit sa kanilang bintana. Kinuha ng kuba ang nakahain na tinapay at pagkatapos ay sinabi ang mga sumusunod: "Ang kasamaan na gagawin mo ay mananatili sa'yo nat ang kabutihang ipagkakaloob mo ay babalik sayo."
Naulit pa iyon ng maraming beses. Halos araw-araw ay kumukuha ng tinapay ang kubang pulubi at paulit-ulit na inuusal ang mga salitang: "Ang kasamaan na gagawin mo ay mananatili sa'yo at ang kabutihang ipagkakaloob mo ay babalik sayo."
Dahil dito ay hindi maiwasang mainis ng pandera sa kubang pulubi. "Hindi man lang marunong magpasalamat ang kuba na 'to. Kung anu-ano pa ang lumalabas sa bibig niya. Ano bang ibig sabihin ng nililitanya ng kuba na 'yan?", galit na winika ng panadera.
"Dapat ay makaisip ako ng paraan para hindi bumalik dito yang kuba na yan. Maiinis lamang ako tuwing dadaan yan dito."
Kinabukasan ay nariyan na naman ang kubang pulubi. Pagkakuha ng tinapay ay muli na naman itong nagsalita: "Ang kasamaan na gagawin mo ay mananatili sa'yo at ang kabutihang ipagkakaloob mo ay babalik sayo."
Ang inis ng panadera ay nauwi na sa galit. Sa kanyang galit ay nakaisip siya ng paraan para di na muling gambalain ng kubang pulubi. Nilagyan niya ng lason ang ginagawang tinapay. Subalit ng ilalagay na niya ito sa may binta ay bigla na lamang siyang nakunsensya.
"Ano ba itong naisipan kong gawin? Hindi ito tama!", sabi ng panadera. Dali-dali niyang itinapon ang tinapay na may lason sa apoy ng kalan at naglagay ng maayos na tinapay sa may bintana.
Kinaumagahan ay muling dumaan ang kubang pulubi. Kinuha ang tinapay sa bintana at muling inusal ang mga salitang: "Ang kasamaan na gagawin mo ay mananatili sa'yo at ang kabutihang ipagkakaloob mo ay babalik sayo." Pagkatapos nito ay umalis na ang kuba pulubi ng walang kaalam-alam sa pinagdadaanan ng panadera.
Pagsapit ng gabi ay may kumatok sa pintuan ng panadera. Lumukso ang puso ng panadera sa kanyang nakita. Ang kanyang anak na matagal na niyang hindi nakikita ay nakatayo sa kanyang pintuan. Payat na payat ito at halos maluray na ang suot na damit. Nanghihina ito at halos hirap sa paglalakad.
"Ina'y, milagro na nakabalik ako dito.”, wika ng anak. “ Hindi ako nagtagumpay sa layunin kong makipagsapalaran. Ninakawan pa ako ng masasamang loob. Naging palaboy ako sa lansangan. Marahil ay patay na ako dahil sa sobrang gutom. Salamat na lamang at may isang kuba na nagbibigay sa akin ng tinapay kanina. Inay, sabi sa akin ng kuba ,"itong tinapay na ito ang kinakain ko araw-araw, pero ibibigay ko na lang ito sayo dahil mas kailangang mo ito ngayon."
Nanlata ang panadera ng marinig ang sinabi ng anak. Naalala niya ang tinapay na may lason na muntik na niyang ihain sa kubang pulubi. Kung hindi niya ito naitapon sa kalan, marahil ay ito ang tinapay na nakain ng kanyang anak, at naging dahilan ng pagkamatay nito.
Bukod ditto ay naalala din ng panadera ang mga salita ng kubang pulubi:
"Ang kasamaan na gagawin mo ay mananatili sa'yo at ang kabutihang ipagkakaloob mo ay babalik sayo."
Mula sa https://www.facebook.com/Tambalan